si conchita at si marcelino

“Marcelito! Marcelito!” sigaw ni Conchita sa kanyang kasama. Nakasilip siya sa munting siwang mula kanilang pintuan, pinagmamasdan ang mga kapit-bahay.

Nagmadaling lumapit si Marcelito. “Ano ba yan?”

“Hay naku, etong mga kapit-bahay natin, walang tigil kung maka-chismis!”

“O anong chismis?”

“Etong katabi natin, aalis na daw.”

“Ah, yung matandang yun.”

“Naku, inis na inis talaga ako sa matandang yun.”

“Oo nga, ke-tanda-tanda na nagko-kolorete pa sa mukha! Ang asim pa ng amoy. Nakakasuka!”

“Nung minsan ngang nakasalubong ko siya inisniban ko nga!”

“Dapat lang! Buti na lang at aalis na ang matandang yan e kung hindi kakagatin ko talaga siya. Magkademandahan na kung magkademandahan!”

“Huy, Marcelito, wag ka ngang ganyan. Delikado yan! Gusto mo bang pati amo natin eh mapatalsik sa apartment na ito.”

Nag-iba ang timpla ng mukha ni Marcelito. Bumalik siya sa kinauupuan at kinuha ang bolang kanina pang pinaglalaruan.

“Eh mabuti na siguro kung ganun,” sabi niya kay Conchita. “Eh mukhang nalulungkot lang naman siya ditto.”

“Hayaan mo na, ganun talaga yun. Hindi ka na nasanay.”

“Ganun ba talaga yun? Kung sabagay. Bihira ko siyang makitang nakangiti o tumatawa. Ni hindi nga siya tumatawa eh. Narinig mo na ba siyang tumawa. Di ba hindi pa?”

“Bihira. Kahit naman noong bago ka dumating, ganun na yun eh. Kahit sinong kasama. Parating nalulungkot. Parating umiinom.”

“Kaya nga tuwing dumadating siya, panay ang pagbati ko sa kanya. Hindi mo ba napapansin? Di ba ang saya saya ko tuwing dumadating siya.”

“Napansin ko nga. Ganyan din ako dati pero nakakapagod. Nakakapagod magpasaya sa isang taong ayaw maging masaya.”

“Kung minsan nga, kapag aalis siya, pakiramdam ko hindi na siya babalik.”

“Naku, ganyan din ang nararamdaman ko... Sa tingin mo, iiwan niya tayo?”

“Di naman siguro.”

Ngunit si Conchita man ay hindi sigurado. Nanlumo siya sa ideya kaya lumayo muna siya mula kay Marcelito at nagtungo sa kwarto. 
Dumiretso sa balkonahe at pinagmasdan na lang ang mga lumulutang na ulap.

“Paano na kaya kami kapag wala na siya?”

Comments

Popular posts from this blog

sop tips (o kung papaano huwag matakot makipagtalik sa telepono)

para sa masa (or why the eraserheads, even if they are still together, can't possibly sing "toyang" over and over again)

FEAR AND LOATHING IN SAGADA