Lola, is that you? Are you home?


"Lola, is that you? Are you home? Hello!" sabi ko kay Lola Pacita nang lumabas siyang naka-pink mini skirt, purple tank top, at teased hair. "Eh ang mga apo ko pinaglaruan na naman ako eh," sabi niya. Tinawag ko ang dalawa kong anak. Mukhang busy ang mga mokong. "PAOLO! ALFRED! Halinga kayo dito!" sigaw ko. Mayamaya lang ay naririnig ko na ang kanilang mga yapag habang pababa ng hagdaan. "Yes mom-mee!" pakantang sigaw ni Paolo. "Hello! Hello! Mommy! I mishu!" sabi naman ni Alfred na mabilis na tumalon sa aking kandungan at pinag-hahalikan ako. Ipinahid ko sa aking manggas ang mamula-mulang lipstick na naiwan sa aking pisngi.

"Ano na naman ang pinag-gagawa ninyo sa inyong lola? Hindi na ninyo inirespeto ang lola ninyo?"

"Mommy, kasi si Alfred sabi niya maglaro daw kami?"

"Weh, ano ka, sabi ko magbahay bahayan tayo!"

"Hoy, wag ka ngang sinungaling. Walang hiya ka! Sabi mo parlor!" sigaw ni Paolo sabay sampal sa pisngi ng kanyang kapatid.

"Walanghiya ka, lumayas ka sa pamamahay ko!" sigaw naman ni Alfred.

"Hindi mo ito bahay. Bahay ko ito! Sampid ka lang dito," pabalik na sigaw ni
Paolo habang sinisimulang sabunutan ang kanyang nakakabatang kapatid. Pagkatapos mahulog sa sahig ang kanilang mga blondie na wig ay sinimulan naman nang dalawa ang kani-kanilang mga buhok.

"PAOLO! ALFRED! Itigil ninyo nga yan kung hindi paluluhurin ko kayo sa mongo!"

Ayaw pa rin tantanan ng dalawa ang kanilang pag-aaway.

"Mga punyeta! Kung hindi ninyo tatantanan papaluin ko kayo!"

"Bruha ka!" sabi ni Paolo.

"Mas bruha ka! Bobo! Bobo! Bobo!" sumbat naman ni Alfred.

"Ikaw ang bobo!"

"Ayaw ninyo pa ring itigil yan ha! Mga leche kayo!"

Kinuha ko ang walis tambo sa kusina at pinagpapalo sila sa kanilang mga hita.

"Mommy, aray ko! Mommy ang legs ko!"

"Mommy, ara-ouch! Mommy, ang sakit!"

"Gusto ninyo nang away ha, eto, sige mag-away pa kayo!"

"Mommy, peace na po. Peace na po!"

"Mommy, stop it! Stop it!"

"Mga lecheng bata kayo, ayaw ninyong magbehave. Hala sige luhod sa mongo! Lola! Nasan na ang monggo natin? Lola? Lola?"

"Hala, nawawala si Lola," sabi ni Paolo.

"Obvious ba?" panga-asar ni Alfred.

"Gago ka ha!"

Nagsimulang mag-away na naman ang dalawa pero kahit gusto ko mang pagu-untugin ang mga ulo nila, nawawala na naman si Lola. Mabilis akong lumabas ng bahay at hinanap siya sa bakuran. Wala. Tiningnan ko ang gate. Hindi naka-lock. "Hala," sa isip-isip ko. "San' na nasusuot si lola?"

Pumunta ako sa Sari-Sari Store at pinagtatanong ang mga tao duon.

"Naku, Pogs, hindi namin napansin si Lola Pacing. Pasensya na ha, busy rin kami dito eh," sabi ni Aling Leonor habang nakikipag-swimming.

"Tang-ina naman o," sabi ko sa sarili ko.

"Easy ka lang brod, shot ka muna," sabi ng kumpare kong si Noknok.

"Hindi, nawawala si Lola."

"Nandyan lang yun."

"Nandyan lang e kung nandyan lang e di nakita ko na siya."

"Pogs naman, ikaw na nga ang inaalala. Relaks ka lang."

"Mamya. Sige balik ako. Nawawala si Lola."

Lumakad ako papuntang plaza at nagtanong-tanong sa mga nagbabasketbol. Wala. Wala pa rin. Punyeta, san ba nagsusuot na naman ang matandang yun. Papunta na sana ako sa may palengke nang narinig kong tumunog ang selfon ko. "Nandito na si Lola," sabi sa text. Nanggaling kay Shirley.

Hay salamat.

Pagdating ko sa bahay, nakapaghilamos na si Lola at bihis na sa kanyang pinaglumaang duster.

"Lola, ano na naman ba? San ba kayo nagsusuot? Langhiya naman."

"Eh ang ingay dito sa bahay kaya lumabas ako."

"Nakarating ang nanay mo sa Ibayo," sabi ni Shirley habang lumalabas ng banyo.

"Salamat, salamat ha, eto kasing dalawang ito ang kukulet!"

Magkasundo na sina Paolo at Alfred na busing-busy na nanonood ng TV.

"Mag-asawa ka na kasi," pabiro ni Shirley.

"Lovidabs naman, alam mo namang taken na ako eh."

"Taken nga, wala naman dito."

"Ganun talaga lovidabs, faithful ako eh."

"Ewan ko sayo. O siya, baka hinahanap na ako ng asawa ko."

"Salamat, salamat ulit She. What would I do without you?"

"Ewan ko sayo. Di naman ako maka-score sayo."

"O sige na nga, isang kiss lang. Dito sa pisngi lang ha."

"Che, sa asawa ko na lang ako magpapakangkang. At least may etits pa yun."

"Mabuti nga, good night!"

"Bye Pogs, ang pogi mo talaga!"

"Same to you!"

"Gago!"

Sinarado ko na ang pintuan at nagsimulang magligpit na. Dahil sa mga pangyayari ngayong gabi, nakalimutan kong hindi pa pala ako naghahapunan. Nagtungo ako sa
kusina at binuksan ang isang lata ng sardinas.

"Paolo, ilan ang sinaing mo kanina?"

"Lima po."

"Meron pa?"

"Ewan ko po. Tingnan na lang ninyo po."

Lecheng bata ito, senorito!

Naghain na lang ako ng para sa sarili ko. Maingay pa rin ang mga bata habang nanonood
ng paborito nilang telenovela.

"Ako si Dyesebel," sabi ni Paolo habang ikinakampay ang dalawa niyang hita.

"Hahaha! Ang panget mo!"

"Mas panget ka! Kasi bruha ka!"

"Ako si Marian eh."

"Marian ka dyan. Syoki ka! Syoki!"

"Ikaw ang syokoy kasi ang panget panget mo! Pango ilong mo."

"Ewan ko sayo. Mas panget ka sa akin. Panget! Kasing panget mo si Lola."

Lumapit si Paolo kay Alfred. May binulong.

"Hoy! Hoy! Hoy! Ano ang pinagbubulungan ninyong dalawa dyan?"

"Mommy panget ka daw sabi ni Paolo."

"Panget talaga ako wala kayong magagawa. At dahil nanay ninyo rin ako panget rin kayong dalawa!"

Bumulong ulit si Paolo kay Alfred.

"Mommy, sabi ni Paolo, panget rin daw si Lola!"

"E di panget tayong lahat!"

Gusto ko sanang patigilin ang dalawa kaso wala na akong enerhiya pa para magsuway. Mas mabuti na ito kesa silang dalawa ang nag-aaway. Pagkatapos kong kumain, sinimulan ko nang hugasan ang mga pinagkainang naipon simula pa kaninang umaga.

"Alas-diyes na, matulog na kayo. May pasok pa kayo bukas!"

"Mom-mee! Di pa tapos tong pinapanood namin!"

"Matulog na! Wash up na!"

"Huy, wash up na raw," sabi ni Alfred sa kanyang kapatid.

"Ikaw ang mag-wash up ang baho mo eh."

Biglang sampal ni Alfred kay Paolo. O diyos ko, eto na naman po kami.

"Mommy! Sinampal ako ni Alfred!"

"Alfred, bakit mo naman sinampal ang kapatid mo."

"Sinungaling siya. Ang baho ko daw eh."

"Naniwala ka naman? Hay naku! Umakyat na kayo at maligo na. Gabi na amoy araw pa rin kayo! Ang babaho ninyo! Wash up na!"

Sumunod man ang dalawa sa utos ko pero hanggang sa hagdaan naghaharutan pa rin ang magkapatid.

"Hoy, kung marinig ko kayong naaaway walang TV bukas. Hala sige, mag-holding hands na kayo. Walang ingay ha!"

Sa wakas, si Lola na lang ang naiwan sa salang nakatitig sa TV.

"La, tulog na. Gabi na."

"Nakikinig pa ako eh."

"La, balita na o! Hindi naman kayo nanonood ng balita. Ano ba?"

"Nakikinig ako. Ano ba?"

"Lola, hindi kayo nanonood ng TV. Nakikinig lang kayo ng radyo. Yun lang ang hilig ninyo, di ba?"

"Oo nga, nakikinig ako. Radyo itong pinakikinggan ko. Si Arnold o naririnig ko."

"La, TV yan. TV. Sa umaga si Arnold. Gabi na o. Madilim na. Sige na, tulog na lola."

"Ah ganun ba?"

"Tulog na. Wash up na lola. Sige na. Matanda na kayo, alam na ninyo ang gagawin ninyo."

Pagkatapos kong magligpit sa sala, sinilip ko naman ang dalawa sa kanilang kwarto.

"Mga impakto bakit hindi pa kayo natutulog! Tulog na!"

"Mommy tutulog na po. Pramis!"

"Pramis ka dyan, ano yang hawak mo!"

"Pocket book, mommy, pocket book ang hawak niya. Ang bastos," sumbong ni Paolo.

"Alfred, ano yang hawak mo."

"Pocket book po. Assignment."

"Patingin nga?"

Nasa cover nito ay isang maskuladong lalaki na labas ang utong. Nasa kandungan nito
ang isang dalagang halos himatayin na dahil sa kung anong ewan. Napailing na lang ako.

"Bastos to ah."

"Mommy, assignment siya, pramis."

"Assignment? Ito? Niloloko mo ata ako eh."

"Hindi mommy."

"Sa akin muna ito. Kakausapin ko teacher mo."

"Mommy naman eh."

"Hay naku, walang mommy mommy. Tulog na. Kiss na. Sige na. Pray na."

Mabasa nga mamaya.

Sa kwarto, tulog na si Lola. Dahan dahan akong humiga sa kanyang tabi at natulog na rin. Magaalastres ng umaga nang bigla akong nagising. Akala ko may kumakatok sa pintuan namin. Mabilis akong bumaba ngunit naalala ko, nananaginip lang pala ako. Umupo na lang ako sa sala at nagsindi ng sigarilyo. Ang tahimik ng bahay. Nakakalungkot. Tuloy, muli kong naalala: Nasaan na kaya siya sa mga oras na ito. Masaya kaya siya o malungkot rin tulad ko? Sana hindi malungkot. Tama na ang isa sa amin ang malungkot. At tulad rin ng mga nagdaang gabi, muli ko siyang kinausap. Sabi ko:

"Masaya naman ang mga bata dito. Ang nanay mo ulyanin na. Medyo pasaway pero minamahal namin siya. Sana nakikita mong lumalaki ang mga bata. Hindi ka nila gaanong nami-miss pero darating din ang araw hahanapin ka rin nila. Pero handa na ako sa aking sasabihin kapag dumating ang panahon na iyon. Matatalino ang iyong mga anak. Maiintindihan ka nila. Sana intindihin mo rin ako. Ginagawa ko lang ito para sayo. Nalulungkot din ako paminsan-minsan pero mas madalas kapag gabi tulad ngayon. Parati kang nasa panaginip ko. Walang mintis. Parati kang kumakatok. Parati ring hindi kita naaabutan. Hindi pa rin ako nagsasawa sa paghihintay. Sana maaabutan na rin kita sa pintuan dahil sabik na sabik na ako sa iyong pagdalaw."

Comments

IshnaVera said…
this is so good gurl... halos maamoy ko... very "bata bata..." ni lualhati b, kung di mo mamasamain ang comparison ...
bwisit! said…
uy salamat! salamat! in fairness fan ako ni lualhati bautista! hay, wa cable sa bahay super inaaliw ko na lang ang sarili ko sa pagsusulat hahahaha!
Ate Sienna said…
so teka... alam ko, boba ako, baditch ba sya o girl??? o tomboy??? ano sya? or importante ba yun sa istorya?

dapat pala lagi kang mawawalan ng cable para mas madalas ang sulat mo. :)
bwisit! said…
hi ate sienna, kamusta kamusta na?! hay, feeling ko nga hindi na muna ako magpapa-cable pero paano nalang ang american idol, ang chelsea lately, ang 30 rock! owel!

actually, iniisip ko tomboy siya. at inaalagaan niya ang pamilya ng kanyang jowaers na missing in action na pwede ring dedo na kaya may-i-visit na lang siya at three o'clock in the morning hahaha!
Ate Sienna said…
hahahhaha!!! oo nga, ano??? mas maganda nga sigurong tomboyita sya. hehehehe
Anonymous said…
very nice!!

Jowell
bwisit! said…
hi jowell, salamat salamat!

Popular posts from this blog

sop tips (o kung papaano huwag matakot makipagtalik sa telepono)

para sa masa (or why the eraserheads, even if they are still together, can't possibly sing "toyang" over and over again)

FEAR AND LOATHING IN SAGADA