kama

Malakas ang sinag ng umaga ngunit maaligamgam ito sa katawan. “It’s six o’clock,” sa isip isip ko. “Too early.” Pero nakikita ko na siyang nakabangon sa gilid ng kama, naaanigan ng araw. Nagising siguro siya sa liwanag. Sadya naman siyang maaga kung gumising. Ilang beses ko na rin siyang nadatnang nakaupo sa gilid ng aming kama nagiisip. Sa mga ganitong okasyon ako nalilito. Takot at kasiyahan ang naglalaban na parang mga alon. Natatakot ako dahil sa kanyang pag-iisip para bang hindi ko siya masusundan. Nang dahil sa dilim ng kanyang pananaw baka maiwan ako.

Pero madalas rin masarap siyang pagmasdan. Nasa malalim na pag-iisip— mga bagay na bagay na alam kong lilitaw din sa mga sulat niya sa akin. Sinisikatan ng araw na para bang tunay siyang nakakaunawa. Kapuna-puna ito sa kislap ng kanyang kutis, sa mga linya sa kanyang katawan. Para bang ang kaligayahan ay iginuguhit papasok sa aking pagkatao. Kung ako ang tatanungin ito ang litratong mahusay na kumakatawan sa kanyang kabuoan: matalino, mapangunawa, at mapagmahal.

Unti unti akong lumapit sa kanya. Inisantabi ko ang mga puting kumot at mahinay na hinalikan siya sa pisngi. Ngumiti siya na para bang kalian man hindi ko siya mauunawaan.

“Anong iniisip mo?”

“Wala.”

Sasabihin ko sanang “maaari ba yun?” pero hindi siya ang tipo na binibiro. Naiilang siya. Tumatahimik.

“Masaya ka ba?” tanong ko. Inilagay niya ang kanyang kamay sa aking pisngi. “Mahigit pa sa kasiyahan,” sabi niya.

Gusto ko tuwing ganito kami. Nagbababad sa kama, walang pakialam sa kung anong oras o kung ang araw ay umuusad na. Para sa akin ito ang munting paraiso. Ako ay napapaligiran ng mga bagay bagay na nagbibigay kaligayahan sa akin: maaligamgam na araw, mga tuyong kumot at ang mainit na katawan ng aking minamahal.

Idiniin ko ang aking kanang kamay sa kanyang hapis na likod. Malalim ang pinaghuhugutan ng kanyang hininga at kapansin pansin ang kahinaan ng kanyang katawan. Tuwing naaalala ko ang kanyang kalusugan natatakot ako. Madalas kong itinatanong sa aking sarili kung paano ko naibigay ang sentro ng aking buhay sa isang taong hindi ko lubos maintindihan. Sa isang taong pilit na inilalayo ang tunay niyang kalungkutan na parang ito ay isang di kanaisnais na halimaw. Siguro ito lang ay isang paraan para hindi ako masaktan. Dahil alam niya kung gaano ako naaapektuhan ng mga maliliit na bagay. Kung gaano ako kahina.

Kung minsan iniisip ko kung paano siya nuong bata pa siya. Kung kagaya man niya ako sa aking baluktot na mga desisyon at pagkaliwalig ng utak. Madalas kong pinagmamasdan ang kanyang mga lumang litrato at pilit na sinusuri sa maamag at mapusyaw na papel ang tabas at hapi ng kanyang buhok, ang lukot ng kanyang damit at ang hugis ng kanyang sapatos. Sinusuri ko rin ang kapaligiran, ang ayos ng kuwarto, ang mga galaw at tingin ng mga taong pumapaligid sa kanya. At higit sa lahat, meron akong isang di maiksplikang pagnanasang magkaroon ng koneksyon sa kanyang nakaraan. Isang pamilyaridad sa mga karanasang napagdaanan niya. Ngunit kadalasan hindi ko nakikilala ang makisig na binata sa litrato. May kakaibang kislap ang kanyang mga mata, pati na rin ang lukot ng kanyang labi na para bang nangungutyaw. Nanghahamon. Di tulad ngayon. Marahil kung kami nuoy nagkakilala hindi kami magkakasundo. Matatakot ako sa kanya, manliliit, mahihiya.

Sa mga okasyong dumudulas na naman ang kanyang pag-iisip sa samu’t saring karimlan, naaalala ko ang isang obserbasyong matagal ko nang napuna. Naisip ko na kung ano ang pilit na nagbubuklod sa amin ay siya rin ang nagbibigay ng rason kung bakit kami nagsasama.

Huminga siya ng malalim at napatingin sa oras. “Kailangan ko nang umalis,” sabi niya. Bahid sa kanyang tono ang kapagudan ng naglipas na gabi. Nagulat ako kahit na alam kong aalis din siya. “Mamaya na,” pagsusumamo ko. “Maaga pa.” Tumingin siya sa bintana at napangiwi sa sikat ng araw. Ngumiti siya. Hindi na kinakailangan ng mga salita, naiintindihan ko naman ng mabuti. Hinawakan niya ang aking braso at mahinay na dinama ito. Hinawakan ko ang kanyang kamay at mahigpit kong pinisil. Sa oras na iyon, hindi nagdulot ng kasiyahan ang kanyang mga haplos. Ang kanyang mga hawak ay parang mga talas ng kutsilyong unti-unting bumabaon sa akin. Masakit at mahapdi.

Tumayo siya at isinuot ang kanyang mga damit. “Mauna na ako sayo,” sabi niya habang hinahalikan niya ang aking noo. Napapikit ako. Duon ko unang naramdaman ang kirot ng pag-iisa. Inaasahan ko na ito. Matagal ko nang natanggap na sa kanyang paglisan, duon ko lang siya lubos na mauunawaan.

Comments

Popular posts from this blog

sop tips (o kung papaano huwag matakot makipagtalik sa telepono)

para sa masa (or why the eraserheads, even if they are still together, can't possibly sing "toyang" over and over again)

FEAR AND LOATHING IN SAGADA