kasambahay

Umaga palang daw umalis na sa kanila si Fely (hindi niya totoong pangalan). Nagpaalam. Pupunta daw sa bahay ng auntie niya sa Novaliches. Mga ilang buwan nang namamasukan sa kanila si Fely. Inaalagaan ang dalawang cute niyang pamangkin at ang kanyang lola. 98 years old na si lola. Nagse-second childhood na, sabi niya. Kaya mahirap pakisamahan. Maya’t maya may utos. Maya’t maya sigaw ng sigaw. Papakuha ng tubig o papakuha ng panyo kahit na nasa harapan na ang kailangan niya. Parang ganito rin yung sa lola ni Lany. Nuong pumatak na sa otsenta ang edad ni lola unti-unti na siyang bumabalik sa pagkabata. Naaalala na niya ang mga pangyayaring hindi niya maalala nuong being-singko palang siya. Napaka-poetic nga daw kasi gabi-gabi parang mga multong pumapanhik sa kanilang bahay ang mga dating kasintahan at kaibigan ni lola para makipag-usap sa kanya. Sabi ni Lani, nahirapan din daw sila nuon sa pagaalaga sa kanyang lola.

Kaya naman hindi nagulat ang kaibigan ko nang sabihin ng kabarkada ni Fely na hindi na siya babalik sa kanila. Namamasukan na raw ito sa isang bahay na puno ng mga kalalakihan sa may Lagro. Sayang dahil mahirap ngayong kumuha ng kasambahay. Yung Kasambahay na masipag, matiisin, mabait at mapagkakatiwalaan. Buti na lang at bakasyon at walang eskwelahan. May magbabantay kay lola at sa mga bata. May oras pa sila para makahanap ng kapalit. Akala nila iyon na ang huling pagkikita nila ng kanilang kasambahay. Hindi pala.

Isang araw, bumalik si Fely sa kanilang bahay. Wala sa sarili. Parang ngang pelikula kasi nang puntahan ng kaibigan ko ang kanilang dating kasambahay sa gate, bigla itong hinimatay. Siempre, natakot siya at dinala ang dalaga sa loob ng bahay. Duon, muling bumalik ang malay ni Fely pero wala na ito sa ulirat. Iyak ito ng iyak at hindi makausap. Ang tanging sinasabi niya ay mula sa panahong iyon, aalagaan na niya si Lola. Si lola na malamang ay dati niyang kinamumunghian.

“Ano ba ang nangyari say o?” sabi ng kaibigan ko.

Hindi siya nagsasalita.

“Na-rape ka ba?”

Siempre, yun kaagad ang tanong. Ano pa ba ang mangyayari sa isang dalagitang naninilbihan sa isang bahay na puno ng mga kalalakihan.

Hindi nagsalita si Fely. Humagulgol lang ito ng humagulgol.

Sinubukan nilang pakalmahin ang dalaga pero hindi ito matigil sa pagiyak. Napansin din nila ang itsura ni Fely. Magulo ang buhok, naglilimahid at parang hindi naligo ng ilang araw. Nang sinubukan nilang ayusin ang buhok nito, napansin nilang parang may natuyong kung anong bagay sa ulo nito. Isa lang ang naisip nila: nabalahura ang dalaga.

Dali-dali nilang dinala si Fely sa Women’s Desk sa isang presinto sa Project 4. Pero dahil Holy Week, halos walang katao-tao ang opisina. Pinuntahan nila ang nagiisang female officer sa desk at inilahad ang nangyari.

“O, anong gagawin natin dyan?” sabi kaagad sa kanila ng female officer.

Nagtinginan na lang ang kaibigan ko at ang kanyang kapatid. Kaya nga kami nandito para humingi ng tulong eh. Wala ring nangyari sa kanilang bisita sa presinto. Napagdesisyonan na lang nilang iuwi na si Fely at dalhin sa isang women’s center pagkatapos ng bakasyon.

Sa bahay, pinagayos nila ang dalaga at pilit na pinatulog. Pagkatapos, kinuha nila lahat ng matutulis na bagay sa kusina at tinago sa isang nakakadadong lalagyan. Hindi sila nakatulog nuong gabing iyon dahil na rin sa takot at pagaalala. Mga bandang alas-tres ng umaga, nagkatotoo ang kanilang hinala. Bigla na lang silang nagising sa isang malakas na hiyaw. Si Fely ito. Nasa kusina. May hinahanap.

“Nasan si Lola? Nasan si Lola?” tanong ni Fely sa kanila. “Aalagaan ko si lola.”

Pinilit nila ulit na pakalmahin ang dalaga pero patuloy pa rin ang pagwawala nito.

“Alam ninyo bang nilalason ko kayo?”sabi ni Fely sa kanila. “Oo, matagal ko na kayong nilalason nuon pa. kayo ng mga bata! Pinapakain ko kayo ng lason para sa daga.”

Siempre, nabahala ang buong pamilya. Kinabukasan, nagpagpasyahan na nilang tawagan ang auntie nito para sunduin na si Fely at nangmakita siya nito bigla itong napaupo sa kinatatayuan at napaiyak.

“Anong nangyari sayo iha?” tanong nito.

Hagulgol lang ang sagot ni Fely.

Dati raw naghuhubad si Fely para sa mga websites bago ito namasukan bilang kasambahay. Maganda si Fely pero tulad ng maraming namamasukan, high school na ang natapos nito.

Nuong ikwento ito sa akin, ang tanging nasabi ko lang ay napanood ko na ito. Si Amy Austria ang bida. Ang director si Marilou Diaz Abaya at ang writer si Ricky Lee. Brutal ang title. Nakapangasawa ng isang adik ang character ni Amy. Binaboy at pinaglaruan sa loob ng tahanan ng ilang panahon hanggang isang araw naisip niyang patayin ang asawa at ang mga kaibigan nito habang bangag na bangag sa droga. Nagsimula rin ang pelikula sa isang women’s center. Ayaw magsalita ng karakter. Basag na basag. Ayaw isiwalat ang totoong nangyari sa kanya.

Pero hindi pelikula ang istorya ni Fely. Hindi namin kayang i-solve ang problema niya sa pamamagitan ng pagsuri sa script, pag-aral sa mga shots at eksena at pagkilatis sa akting. Ang tanging naiwan sa aming isipan ay mga tanong na hanggang ngayon hindi pa nabibigyan ng sapat na kasagutan.

Comments

Popular posts from this blog

sop tips (o kung papaano huwag matakot makipagtalik sa telepono)

para sa masa (or why the eraserheads, even if they are still together, can't possibly sing "toyang" over and over again)

FEAR AND LOATHING IN SAGADA