Nasaan na ang himala?


Mga dalawa o tatlong beses ko nang napanood ang Himala pero mas lubos ko itong naintindihan nang dumalo ako sa isang writing workshop ni Ricky Lee. Ang baril daw na pumatay kay Elsa, sabi ni Master (bansag sa kanya ng mga dumalo sa workshop), ay ang hindi pagsang-ayon ng mga deboto na wala naman talagang himala. At ang pagpaslang kay Elsa ay ang tanging paraan para maipagpatuloy ang pinaniniwalaang aparisyon.

Katatapos ko lang basahin muli ang script ng pelikula. Payak ang pagkakasulat nito. Simple lang ang estilo. Para ngang kayang gawin ng dalawang araw pero sa aking limitadong experience ganitong tipong materyales ang mas mahirap tapusin. Ayon sa production notes, isinulat ni Lee ang script para kay Mike De Leon pero eventually si Ishmael Bernal ang tumira. Pero gayunpaman, si Nora Aunor lang ang naisip nilang bida.

Complex ang script. Simple man ang takbo ng istorya pero maraming sinasabi ito. Maraming parallelism tulad ng karakter ni Nimia na nagpuputa at ni Elsa na nagbebenta ng hope at salvation. Pwede ring ihantulad ang pag-rape kay Elsa at Chayong sa pagsamantala sa kanila ng mga katulad ni Mrs. Gonzales na kumikita sa pagbenta ng mga nabindisyunang tubig.

Pero sa gitna ng pelikula matatagpuan ang isa sa pinaka-complex na character sa history ng pelikulang Pilipino: si Elsa. Kung titignan sa psychological perspective ang character, makikitang gumawa ng himala si Elsa para matanggap ng mga taga-Cupang. Isa siya sa mga ostracized sa lugar nila. Tinutukso tukso mula pagka-bata dahil isang ampon lang at lumaking isang outsider. Ang himala ang naging tulay para lubos siyang i-accept ng mga taga-baryo.

Pero mas maganda siguro kung ang susuriin natin ay ang mga deboto ni Elsa. Sa pelikula, na-depict ni Bernal at ni Lee ang psyche ng mga taong naghihirap at salat sa pag-asa. Isipin mo nga naman ang isang baryong tag-hirap. Tuyo ang lupa, konti ang ani. Walang opurtunidad at walang gubyernong umaalalay. Kung wala ka nga namang matunguhan o makuhanan ng tulong (corrupt and ineffective government, church that offers nothing but theoretical salvation), saan ka nga naman tutungo kung hindi sa isang taong nag-aalay ng isang himala.

Sa isang speech na ibinigay ni Conrado de Quiros (na-publish ito sa librong 10 Speeches that made a Nation) sinabi niya na ang pangunahing pagkakaiba ng isang mayaman at isang mahirap ay hindi pera kung hindi pag-asa. Ang mayaman daw kahit wala nang pera sa bulsa alam niyang bukas o samakalawa magkakaroon din siya. Ito ang mga taong may connections. Kapag nagsalita ang mga ito, tiyak may makikinig. Kung sila ay naghihirap ngayon, malamang bukas o sa susunod na linggo, may pera na sila.

Kabaliktaran ito ng mga mahihirap. Wala na ngang pera pati daing nila hindi na pinakikinggan. Sila ang mga taong araw araw nagsu-struggle para lang may maihaing pagkain sa hapag kainan. Paulit ulit lang ang kanilang problema. Kung wala silang makain ngayon, malamang sa isang linggo o sa makalawa ganun pa rin ang sitwasyon nila. Hindi nila alam ang mga dialogue na “Balang araw gaganda rin ang buhay ko…” Ang kanilang never ending problem ay: pano ko maitatawid ang pamilya ko sa araw na ito.

Sila ang mga deboto ni Elsa.

Sa bandang huli ng pelikula, umamin si Elsa na wala namang talagang himala (dahil ang himala nga naman ay nasa puso ng tao), lumabas ang isang baril at pagkatapos ng isang putok, napaliyad ang dalagita at tuluyang namatay. Nagkagulo ang mga tao at deboto. Sa script, ganito dinescribe ni Lee ang mga pangyayari:

“… Isang matinis at nakalulunos na daing ang aahon mula sa mga tao. Magkakagulo. Magtatakbuhan ang lahat papuntang unahan para malaman kung anong nangyayari. Magkakatapakan, magtutulakan…

… ang lahat ay parang isang panaginip, isang halusinasyon ng sangkatauhang nagtatakbuha’t naghahalu-halo sa isang walang katapusang larawan ng kapahamakan…”

Nuong binabasa ko ito, may bigla akong naalala. Hindi man magka-pareho ang mga circumstances pero sa parehong insidente iisa lang ang tinutukoy na tao. Ultra stampede.

Sa panahon ng internet at mass diaspora, wala na nga ang himala. Hindi na tanga ang mga tao. Praktikal na. Nakalimutan na natin ang himala kasabay nang pagpanaw ng TV show ni Ate Luds na Eye to Eye. Madalang nang mailagay sa headline ang mga katulad ni Judiel (remember him?). Iba na ang himalang alam natin ngayon at nasa isang lugar ito na makulay, punong puno ng liwanag, maingay ang musika at tawanan, at walang tigil ang saya.

Natawa yung kausap ko nang sabihin kong ang himala ngayon ay wala na sa gitna ng disyerto o sa tuktok ng isang burol kung hindi nasa TV na. Sa isang iglap nga naman, kasabay ng nagsisi-indakan na ilaw at dancers, kasabay ng hiyaw ng mga hosts and studio audience, mababago ang iyong buhay. Isang milyon. Isang bahay. Isang kotse. At para sa mga libo-libong nanonood (o nakikinood), sapat na ito para baguhin ang kanilang kapalaran. Para sa kanila, ang matawag o mabunot, ang maisalang at makarating sa kinaaasam-asam na jackpot round (bagamat kay dami rin ang nagnais na makarating dito) ay mistula na ring isang himala.

Comments

lubha talagang napakainam ng pagbatbat sa diskurso ng mga mamamayan ng bayan ng cumpang sa nasabing pelikula.

ang masa bilang ang naghihirap at wala ng maaring magawa kundi tanggapin ang katotohanang ito na ang kanilang tadhana. kungsaan, tanging sa himala na lamang ang kanilang nakikitang pag-asa. gayundin sa ganitong perspektibo kung mabisang matatalakay, pumuposisyon ito ng isang potensyal na armas para sa inaasahang realisasyon ng nakararami---ang pagbalikwas sa namamayaning status quo o idelohiya.

sa aking palagay, ang dahilan kung bakit ang pelikulang nabanggit ay pumatok sa nakararami. kungsaan nagawa nitong mapagdugtong ang masa at mga kritiko/akademiko ay dahil sa potensiyalidad nitong magmulat at magpakilos ng nakararami.

isang mahusay na pagtalakay. kudos!

Popular posts from this blog

sop tips (o kung papaano huwag matakot makipagtalik sa telepono)

para sa masa (or why the eraserheads, even if they are still together, can't possibly sing "toyang" over and over again)

FEAR AND LOATHING IN SAGADA