movie fan



Dati nuong bago palang akong graduate, gusto kong maging director. Excuse me, I mean filmmaker pala. Nanood ako ng maraming pelikula. kahit hindi ko maintindihan go pa rin ako. ang hirap mag-decide nun kasi gusto ko rin maging writer. Gusto ko maging columnist. In fairness, those were exciting times. I watched. I read. I wrote. I actually used my brain. I thought I was the smartest and most original individual my university has ever produced. After all, when I stepped out of the university I knew who the beatnik were and I have read quite a few good books. siempre bihira yun sa mga graduates dati unless you are a student of literature or film.

anyway, gusto ko maging filmmaker so go ako sa mowelfund para mag-P.A. sa mga projects ni Nick Deocampo. I was a shitty P.A. so I wasn't given any responsibility. Inisip ko na lang na ako lang yung P.A. na nakakaintindi kay Truffaut at Godard at mahilig kay Paul Bowles. Naaalala ko, unang araw ko sa set nandun lang ako sa tabi, nagmamasid, nawawala, habang ang buong crew kumikilos. Ang gulo ng set. Ang kalat. Mga kable, saksakan, ilaw, etc. Ang dami ring tao. May nagbibigay ng tray, may nagme-make up, may sumisigaw, at may natataranta. Parang lahat busy, lahat alam ang ginagawa pwera lang ako. Nahiya ako sa sarili ko nun. feeling ko super duper tanga ako kaya eventually umalis ako sa aking kinauupuan ko at pumunta sa may kalayuan. sabi ko, someday magkaka-pelikula rin ako at pagdating ng panahon na iyon hindi na ako magmumukhang tanga. sa malayo, nakita ko ang buong kaguluhan. nakakasilaw pala yung set, ang daming ilaw. Pero siguro mas nakakasilaw yung mga artista kasi parang mga alitaptap yung mga tao na nag-converge para mag-usi.

Pito-pito film yung ginagawa namin tungkol sa isang masahista na may powers. Nung nabasa ko yung script naisip ko: putah, kaya ko rin to ah. Ang gulo rin kasi ng director eh. Di ko tuloy matahi tahi sa aking imahinasyon yung mga eksenang kinukunan niya. Ilang araw din yatang umikot ang mga mundo namin sa pelikula. Kumain kami, tumae kami, natulog at nakipaglandian, tumawa at umiyak, nandun pa rin kami, malayo sa aming pamilya. malayo sa civilization. at kung nakaka-uwi man kami, pag-gising namin mula sa aming mahabang pagka-tulog call time na naman. We literally lived inside the set and to some extent inside the movie we were making. Di ko nga namalayan di na pala Presidente si erap.

Fast forward mga ilang buwan. wala na ako sa production. Gusto ko nang maging isang hotshot copywriter. Gusto ko manalo hindi ng urian kung hindi ng araw awards. Ang hirap palang maging isang award-winning copywriter. marami ka rin palang pagdadaanan. mahirap especially kung ang ginagawan mo ng copy ay isang gamit sa kubeta at pagkain ng baboy. Pero mahilig pa rin ako sa movies nuon at nang mag-showing ang aming pelikula nagtungo kami ng kasama kong copywriter sa Isetan Recto para panoorin ito. Weird nga kasi straight yung kasama ko tapos di namin alam kung magtatabi kami sa upuan o uupo sa magkabilang side. Meron kaming ganung dilemma.

Pagkalabas namin nag-critic kagaad yung kasama ko. Sabi niya ang pangit ng pelikula! Sira-sira yung continuity tapos ang pangit ng acting ng mga artista. Ang korni pa ng ending. "Nagpapaka-magic realism hindi naman napanindigan," ika niya. Tumahimik ako. hindi kasi ako makapag-decide kung nagustuhan ko yung pelikula o hindi. Tama siya, walang binatbat yung pelikula namin sa mga hollywood movies. sira sira yung continuity, ang pangit ng set, nakakainis yung acting, etc. Pero paguwi ko pinilit ko pa ring intindihin yung pelikula. kasi nga fan ako ng director. sige, pagiisip ko, ano nga ba ang gustong ipahayag ni sir nick. Oo ginaya niya yung ending ng Maynila sa Kuko ng Liwanag pero hindi naman effective. Oo magic realism bago sa panlasa pero bakit parang hindi ako namangha tulad sa mga kwento ni Gabriel Garcia Marquez. Tungkol ba saan ang kwento? Isang batang may pambihirang powers na tuwing nagmamasahe siya ay nakakapagpagaling siya. Parang telenovela ang kanyang buhay. Nag-layas mula sa kanyang masamang tatay, napadpad sa maynila, ginamit ng mga tao at sa huli naging isang petty thief. Pinanuod ko ulit ang pelikula para lubos na maintindihan. Nakaktawa kasi sa pangalawang beses na panonood duon ko lang na-realize ang dami palang gustong sabihin ni sir nick. Absurd ang ating existence, parang sinasabi niya. Cruel ang mga tao sa siudad kasi mahirap mabuhay sa isang lugar na salat sa pag-asa. Pero, parang sabi ng mga mahiwagang kamay ng bida, nasa atin ang desisyon, nasa atin ang powers kung paano natin patatakbuhin ang ating buhay. Ang galing, naisip ko. ang lufet! mali yung officemate ko. Maganda yung pelikula. Fan talaga ako ni Deocampo.

Naisip ko tuloy, bakit kaya hindi ko ito na-gets nung ginagawa namin yung pelikula. Siguro kasi kagaya ng mga kasama ko nun sa production wala kaming pakialam sa kung ano man ang sinasabi ng director. Or better yet masyado kaming pagod para isipin yung mga ganung bagay. Oo, nanduon ako para tuparin ang aking pangarap maging isang director pero nanduon rin ako para kumita. Para pagkatapos ng shooting may pera akong pang-inom kasama ang aking syota. Nung last sequence nga namin, sabi ng director magpapa-last day daw siya. may ice cream para sa lahat. umismid yung aming legman. wag na sabi niya pera na lang. Naisip ko nga: ang pangit ng working hours, ang pangit ng compensation, di pa maka-tao ang mga producers, bakit kaya sila nanduon. at least ako nun, may nanay akong sumusuporta sa akin. carry ko pang magpaka-art art nuon. pero sila may pamilya, may mga anak, may mga pinaga-aaral. Then na-realize ko, realize ko talaga to, fan din kasi sila ng pelikula tulad ko. I'm sure nuong lumabas yung pelikula, isa sila sa mga unang nanood nito kasama ang kanilang mga asawa, anak, nanay, kamag-anak, kaibigan. at habang nagu-unfold yung mga eksena sa screen, nagkukwento rin sila. "Dyan, yan yung sinasabi ko sayong natisod si Gerald." "Ang hirap ng eksena na yan, umakyat pa kami ng puno para kunan yan." "Sa Batangas yan shinut, maganda yung view dyan." "Si Aila Marie, mabait yan, tinutukso nga ako niyan parati eh." At pag nag-roll ang credits, iintayin nilang lumabas ang kanilang pangalan at sa mata ng kanilang mga kasama parang isa na rin silang artista.


PICTURE ABOVE: si weng, si mj at ako. kodakan sa gitna ng kaguluhan. sa broadway studio. lahat pala maganda kapag naiilawan ng diva lights.

Comments

Popular posts from this blog

sop tips (o kung papaano huwag matakot makipagtalik sa telepono)

para sa masa (or why the eraserheads, even if they are still together, can't possibly sing "toyang" over and over again)

FEAR AND LOATHING IN SAGADA